|
nagpunta kami ni ta sha kahapon sa bulan. kaming dalawa lang. di kasi nakasama si ate weng. umaga na kami nagpunta para makauwi rin kami. mga pasado alas onse na kami nakaalis ng sorsogon. nakarating kami ng bulan ng mga pasado ala una. nagpahatid kami sa tricycle hanggang sa imelda st. ata. pero sabi ng tricycle driver, hindi daw niya alam. magtanong daw. sabi namin kila guran. saka lang niya narealize na kila rambo yun. pagbaba ng tricycle, bumungad samin ang itim na telang nagsasabi at nagsisimbolo ng pagkamatay ni rambo. reimon 'rambo' guran. 1985-2006. nakalagay. sa taas nun ay ilang mga banner ng mga nangangalit na mga organisasyon tulad ng anakbayan at ng LFS. di ko matandaan kung ikatlong bandera kung saan galing iyon. pagpasok namin sa maliit na kalye patungo sa kanila, di namin talaga alam kung saan. hangga't sa isang bahay, naramadaman ko na andun nga yung bahay nila. pero walang bahid na doon nakaburol si rambo. buti na lang at may dumaan na lalake at nagsabing sa bahay na yun daw nakaratay si rambo. nadatnan namin ang ilang tagasimbahan. dalawa lang sila actually. niyakap kami at hinalikan ng nanay ni rambo. kakaiyak niya lang daw. pero ayaw niya na daw muna umiyak ngayon. naamoy ko na agad ang mga kandilang nakasindi. nakita ang kabaong at ang mga bulaklak sa paligid nito. nakita ko rin ang mga debuho ng mga mukha nila che guevarra pati ang ilang mga poster na nagpapakita ng pagkaaktibista. bahay ito ng aktibista, nsabi sa'kin ni ta sha nung nakauwi na kami. tinawag nila si noynoy. nilapitan namin ang kabaong. kakaiba siya sa mga kabaong na nakita ko. siguro dahil kaibigan ko ang andun. siguro dahil isang taong mas bata pa nga sa akin ang andun. siguro dahil ganun. at siguro dahil personalized ang kabaong. andun sa ibabaw ang mga bagay na dati'y kay rambo. ang ilang ID niya. ang isang kaha ng marlboro reds na bawas na. isang daang pisong nakatiklop sa loob ng kaha. marahil ang huling perang nasa bulsa niya. ang ilang mga mensahe ng mga kaibigan na hindi na niya nabasa sa friendster at sa internet. nandoon. may mga laruan nga na sabi ni noynoy ay sa pamangkin ata nila. mga munting sundalo na magbabantay daw sa kuya niya. sa baba ng kabaong, nandun ang chess board na marahil ay hilig laruin ni rambo. pati ang isang pares ng tsinelas na siguro'y lagi niyang gamit. at si rambo, nakadamit siya ng barong. puti. mukha siya pa rin. mistulang natututlog. hinihintay ko na nga lang na dumilat siya at tumayo eh. pero wala. pinakain kami ng nanay ni rambo. nagkkuwentuhan kami at kaharap din namin si noynoy. hindi na nga siya masyado nagkukulit pero nagkukuwento na rin siya. pero sa buong panahon na andun ako, di ko nakita ang kapatid nilang babae na kasama ni rambo ng siya'y walang awang pagbabarilin. sa usap-usapan, parang hindi namin maatim na simulang magtanong tungkol sa nangyari. pareho kami ni ta sha nahihiya at natatakot sa kung anong magiging reaksiyon ng mga tao. ayaw namin kasing may umiyak. ako mismo, ayaw ko. ilang oras na silang umiyak simula ng mawala si rambo at ayaw ko nang dumagdag pa ng dahil lang sa isang tanong namin. minsan, natutuwa yung nanay ni rambo. tumatawa na nga siya. sabi niya, ngayon lang ako ulit tumawa. buti na lang at may tao dito. kung hindi, baka naloka na ako. natuwa ako nang nakita ko siyang ngumiti sa gitna ng bigat ng nararamdaman niya. pakatapos, nagkakuwentuhan kami. ikinuwento ng nanay niya ang nangyari. hindi kami nagtanong. siya na mismo ang nagsabi. inihatid pa raw nila si rambo at ang kanyang kapatid sa queens, sakayan ng bus. hinalikan pa daw siya ni rambo. sa unahan daw naupo ang kapatid niya. si rambo sa pinakalikuran. nang papaalis na ang bus, narinig na nila ang putukan. ang kapatid ni rambo, di malaman ang gagawin dahil alam niyang andun sa likod ang kapatid niya. at dun, nakita niya nga, nakahandusay na ang kuya niya. nakadapa. duguan. dumadanak pa ang dugo. sabi ng nanay ni rambo, after five minutes ng paghatid nila, di pa nga sila nakakapasok ng bahay ng tumawag ang kapatid niya ng kasama ng mga anak niya. sabi, "des, balik ka dito sa queens. dali!" at sa pagsugod nila, naabutan nila ang kapatid ni rambo na sinusuntok ang queens. nagsasabing, "di lumalaban ang kuya. wala siyang ginagawang masama." at sinabi pa sa kanilang, "dalhin natin sa doktor ang kuya." nakita daw ng nanay ni rambo si rambo na nakadapa. hinalikan niya daw ito na parang sa baby. mainit pa raw nun si rambo. pero hinahalikan niya daw. sabi niya, mukha daw siyang loka-loka pero kahit naman sino, hindi na iisipin yun sa panahong ganun. anak niya yun. pinatay ang anak niya. wala siyang pakialam sa dugo. isang tama ang nasa may braso ni rambo. para daw kasing niharang niya sa babaril. siguro sa shock na may baril na nakatutok sa mukha niya, di na niya nakayanang lumaban. dalawang putok ang tumama sa dibdib niya. humandusay na siya sa sahig ng bus. ngunit sinugurado pa ng pumatay at bago umalis ay pinaputukan pa ng isa sa ulo. wala na si rambo. iniisip na lang namin na siguro'y hindi na nakakatulog ang pumatay sa kasama namin sa simbahang si rambo. pero sabi ng nanay niya, june at july, nagsasabi na si rambo na may gusto siyang patayin. sa boarding house nila mismo dito sa legazpi, ilang mga nagtitinda ng kung anu-ano ang pumasok na dati rati'y hindi naman. tapos sinabihan pa daw siya dalawang beses nang may taong tinutukan siya ng kamay na para bang babarilin siya. sabi ng tatay niya na magdala siya ng baril pero si rambo mismo ang ayaw. sinabi ng nanay niya na kung puwede wag na muna itong maging active pero sinabi ni rambo na ang balang papatay sa kanya ang siyang makakapagpasaya sa kanya. marahil sinasabi niyang ang kamatayan niya ang siyang magiging paraan para mamulat pa ang maraming tao. umuwi kami ni ta sha na hindi pa rin makapaniwala. sa pagtulog ko, siya pa rin ang naiisip ko. at hanggang sa mga panaginip, yun pa rin. pati sa paggising ko, si rambo, ang nanay niya, ang pamilya niya, at ang walang awang pagpatay sa kanya ang nasa isip ko. |
| Leave a Comment: |